Mabuting Balita is a new Christian magazine for Filipino readers in Hong Kong.

We are accepting contributions, advertisements and subscriptions.

Links:

Learn about our Apostolic Media Ministry in Hong Kong

Learn about the persecuted Church in Asia
www.csw.org.hk

Learn about us personally at our blog sites
Edward
Cheryl

Brief note on our
other ministry work

   

Bukang bibig ko na kung wala ang Panginoong Diyos, ay wala na rin ako sa mundong ito. Siguro nasa hukay na ako ngayon. Hindi ko ikinahiya ang aking pinanggalingan. Hindi ko itinatago kung ano ako noon. Lalo nang hindi ko malimutan ang aking magulo at masalimuot na mga karanasan. Subalit sa bawat paglubog ng araw sa dapit hapon ay alam ko na ito’y sisikat din sa bawat umaga. Salamat sa Diyos na nagbigay sa akin ng bagong buhay!

Ako ay Pilipinong tubong Hong Kong. Apat na taon pa lang ako noon nang dinala ng aking ama, kasama ang aking ina at tatlong kapatid. Dito na ipinanganak and bunso kong kapatid na babae. Hong Kong ang namulatan kong bayan. Nakakahiya mang sabihin pero sa gulang na 41 anyos ay masasabi kong iilang beses pa lang ako naka-uwi sa Pilipinas.

Musika ang buhay at ikinabubuhay ng aming pamilya. Lahat ng lalaki sa bahay namin ay musikero. Ang ama ko ay isang saxophone player, and namatay kong nakatatandang kapatid na lalaki ay drummer, ang bunsong lalaki ay bass player, at ako naman ay nasa piano.

Sa murang gulang na limang taon ay natuto na akong mag-piano. Nag-aprentis na piyanista sa gulang na katorse, hanggang sa tuloy-tuloy na ang propesyon kong ito. Hindi maiwasan na sa buhay at propesyong ito ay nababad ako sa maraming tentasyon; mapa babae, droga, sigarilyo, alak, and marami pang iba.

Naging mapalad ako sa aking hanapbuhay at propesyon. Magmula sa maliliit na clubs hanggang sa mga "five star hotels" ay natugtugan ko na. Mahigit sa anim na taon akong naging in-house pianist sa TVB dito sa Hong Kong. Nakapag-akompanya ako sa mga malalaking artista at tanyag na mga mang-aawit (Canto-Pop Artists) sa kanilang mga konsyerto at rekording dito man sa Hong Kong at maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo; katulad ng Thailand, USA, Canada, Malaysia, Singapore, China, Australia at Pilipinas.

Buong akala ko ang lahat ng tinatamasa kong tagumpay ay wala nang katapusan. Kasama pala sa mga tagumpay na ito ay may kakambal na kasawian. Naging isang rebeldeng anak at nalulong ako sa ipinagbabawal na gamot. Gusto kong maging malaya sa ilalim ng espiritu ng droga at labin-dalawang taon akong nalulong dito. Masalimuot at magulo ang buhay ko. Hindi lamang droga ang aking kinahuhumalingan, kundi pati na rin ang alak at babae. At halos lahat ng uri ng droga ang aking natikman. Hindi lang naging "adik" sa droga kundi nagbebenta pa, samakatuwid "pusher". Naging miyembro din ako ng "triad" dito sa Hong Kong, kung saan ako kumukuha ng supply ng ipinagbabawal na gamot.

Hindi ko na mabilang sa kung ilang ulit na akong nasita ng mga pulis, pero nalulusutan ko pa rin ang mga pagkataong yaon. Subalit hindi ko sukat akalain na dumating ang masaklap na pangyayari - ako ay nahuli at nakulong. Nakalabas din ako pagkatapos ng dalawang linggo. Akala ng aking pamilya ay nagbago na ako. Hindi sila nagkulang ng pangaral sa akin. Ang kanilang mga pangaral ay binale-wala ko at balik-bisyo na naman ako.

Taong 1992, ako ay nahuli at nakulong muli. Sa pangalawang pagkakataon ay hindi na ako pinalaya. Hinatulan ako ng Kristiyanong Hukom na ma-rehab sa Wu Oi Christian Centre sa loob ng isang taon. Nag-atubili akong tanggapin ang naturang hatol dahil mawawalan ako ng pera, kaibigan, droga, babae, trabaho, kalayaan, at lahat na. Sa suporta ng mga magulang ko’t mga kapatid ay tinanggap ko ang hatol kahit labag sa aking kalooban.

Dito sa Wu Oi Christian Centre, sa Sai Kung ay may plano pala sa akin ang Panginoong Diyos. Sa "rehabilitation centre" na ito nakilala at tinanggap ko si Hesus na aking Diyos at Tagapagligtas. Ang nakasaad sa Roma 6:13 "Pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay at muling binuhay," at Juan 3:16, "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan," ay ang mga salita ng Diyos na siyang pumukaw at nagbukas sa aking saradong puso, para makaahon sa kalagayan ko noon at matanggap ko si Hesus. Totoo, na ako ay binuhay muli ng Panginoong Diyos!

Mahirap, malungkot, at masakit man ang karanasan ko sa rehab... subalit alam ko na tinuturuan ako ng Diyos na maituwid ko ang napaliko kong landas. Hindi naman palagi ang pagdalaw sa akin ng aking mga kamag-anak sa rahabilitation centre. Ibinuhos ko na lang ang aking sarili sa pag-aral ng salita at katuruan ng Diyos.

Sa tulong ng mga kasamahan na volunteers at panalangin ng aking pamilya, ay nabuo ko ang isang taon. Nakalabas ako na maypang-agam-agam sa aking puso. Maraming tanong ang nabuo sa aking isipan … tatanggapin pa kaya ako ng mga kaibigan, kakilala, at ng lipunan? Magkakaroon pa ba ako ng kinabukasan? May propesyon pa ba akong babalikan?

Ang paglabas ko sa rehabilitation centre ay isang malaking biyaya sa akin. Ang alam ko na, "Kapag nagbigay ng biyaya ang Panginoon, hindi na Niya dadagdagan pa ang mga dinanas na kalungkutan." Tunay nga ito sapagka’t hindi nagtagal ay may mga trabahong dumating sa akin. Kapit sa Diyos at panalangin ang aking kasangga sa pagharap ko muli sa magulong lipunan.

Sa pagtitiwala ko sa Diyos, ay tunay na ipinakita Niya ang kanyang katapatan. Unti-unting ibinalik sa akin ng Diyos ang mga kawalan ko noon. Binigyan Niya ako ng trabaho, pinatatag sa pananampalataya, at naka-paglingkod sa Kanya sa pagtugtog ko sa isang lokal na simbahan sa kung saan ang aming buong pamilya ay nananampalataya.

Taong 1994 ay binigyan ako ng Diyos ng isang mapagmahal na asawa at sa taong 2000 naman ay biniyaya-an ng isang magandang anak sa babae.

Sa bawat pag-gising sa umaga, kasama ang asawa’t anak ay nagpapasamat kami sa buhay na ibinigay ng Diyos. Marami ring pag-subok ang dumaan sa buhay naming pamilya. Maraming problema at hirap ang dumating, may mga magulo at malimu-ot na pangyayari. Subalit ito ay hindi mapantayan sa pagmamahal ng Diyos sa amin at sa pagmamahal naming pamilya sa Kanya. Patuloy Niya kaming biniyayaan at ginagabayan sa lahat ng aming desisyon sa buhay.

Ang bagong buhay at pamilya ko ay mga pinakamalaking biyaya ng Diyos sa akin … kaya tunay lang na ibalik ang lahat na papuri at pasasalamat sa Kanya. Sa mabiyayang buhay ko ngayon, "Ako at ang pamamahay ko ay handang mag-lingkod sa Kanya."

Purihin ang Diyos!

testimony ni Gilbert Caselis

   

If you want to find more information about Mabuting Balita, please go to our Hong Kong media ministry website